Nasa Biblia ba ang Aral Na ang Diyos ay may Tatlong Persona?
Ang doktrina o aral tungkol sa TRINIDAD ay isang malaganap na
paniniwala ng maraming nagpapakilalang mga Cristiano sa kasalukuyan. Ang
paniniwalang ito, ay kanilang ipinapalagay
na mababasa sa Biblia o nakabatay sa Biblia, itinuturo ng aral na ito
na ang Diyos ay binubuo ng TATLONG PERSONA: Diyos Ama, Diyos Anak, at
Diyos Espiritu Santo, bagamat itinuturing nila na ang bawat persona ay
isang Diyos, ang mga naniniwala sa Trinidad ay nagtuturo at nagsasabi na
iisa lamang ang Diyos at hindi tatlo.
Kung ating sasangguniin
ang Biblia, ang Panginoong Diyos ba, o ang kaniyang anak na si Jesu
Cristo, o maging ang mga Apostol, ay nagturo na mayroon pang ibang
Diyos maliban sa AMA? Ano ba ang pagpapakilala ng Diyos sa kaniyang
sarili na siya namang itinuro ni Cristo at ng kaniyang mga alagad? Sabi
ng Biblia:
Isaias 45:21 “Kayo'y mangagpahayag, at
mangagpasapit; oo, magsanggunian silang magkakasama: sinong nagpakilala
nito mula nang mga unang panahon? sinong nagpahayag niyaon nang una?
hindi baga ang Panginoon? at walang Dios liban sa akin: isang ganap na
Dios at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin.”
Ang Diyos
mismo ang nagsabi na siya lamang ang nagiisang Diyos, at ito’y kaniyang
binigyan ng diin sa pagsasabing walang Dios liban sa kaniya at wala
siyang nakikilalang iba:
Isaias 44:8 “Kayo'y huwag mangatakot,
o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at
ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa
akin?oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”
Ang nagiisang tunay na Diyos ay walang nakikilalang ibang Diyos maliban
sa kaniyang sarili, iyan ang maliwanag na katotohanang pahayag ng ating
Panginoong Diyos mismo. Maging ang kaniyang mga sinaunanag lingkod gaya
halimbawa ni Haring David ay may pahayag ng ganito:
2 Samuel
7:22 “Kaya't ikaw ay dakila, Oh Panginoong Dios: sapagka't walang gaya
mo, o may ibang Dios pa bukod sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig
ng aming mga pakinig.”
Mapapansin na noong mga unang panahon
ang mga lingkod ng Diyos ay hindi kailanman siya ipinakilala bilang
isang Diyos na may tatlong persona, kundi ipinakilala nila na ang Diyos
ay iisa lamang at wala siyang katulad o kagaya. Dagdag pa ni Haring
David:
Awit 86:10 “Sapagka't ikaw ay dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay: ikaw na magisa ang Dios.”
Maliwanag kung gayon na IISA LAMANG ANG TUNAY NA DIYOS. Kung ang tao ay
kumilala pa sa ibang Diyos maliban sa iisang tunay na Diyos na
ipinakikilala ng Biblia, samakatuwid ay hindi sila nakaabot sa tunay na
pagkakilala sa tunay na Diyos na itinuro ng mga banal na kasulatan.
Ang AMA lamang ang nag-iisang tunay na Diyos
Sino ang nagiisang tunay na Diyos na ipinakilala ni Cristo? Ating tunghayan at basahin ang patotoo ng Tagapagligtas:
Juan 17:1,3 “Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa
pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating
na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin
ng Anak…At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na
iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si
Jesucristo.”
Ipinakilala ni Cristo na ang Ama sa langit ang
nagiisang tunay na Diyos. Sa kabilang dako, ipinakilala niya ang
kaniyang sarili bilang sinugo o sugo ng Diyos at hindi bilang kapantay o
isa sa mga persona ng Diyos at isa pang Diyos gaya ng paniniwala ng
iba. Si Jesus ay sugo ng Diyos, at gayon natin siya dapat kilalanin:
Juan 17:21 “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa
akin, at ako'y sa iyo, na sila nama'y suma atin: upang ang sanglibutan
ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.”
Sa pagsasabi ni Cristo na ang Ama ang nagiisang tunay na Diyos, maliwanag kung gayon na hindi si Cristo ang Diyos.
Maging ang mga apostol ay kumikilala sa iisang Diyos lamang, ang AMA,
at hindi kailanman binanggit sa alinmang kasulatang isinulat ng mga
apostol na ang Diyos ay may tatlong persona:
1 Corinto 8:5
“Sapagka't bagama't mayroong mga tinatawag na mga dios, maging sa langit
o maging sa lupa; gaya nang may maraming mga dios at maraming mga
panginoon;”
1 Corinto 8:6 “Nguni't sa ganang atin ay may isang
Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at
tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa
pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.”
Ang Diyos, si Cristo, at ang mga apostol kailanman ay hindi nagturo na
ang Diyos ay higit sa isa. Ang nagiisang Diyos na tunay na ipinangaral
ni Cristo at ng mga alagad niya ay ang AMA lamang. Hindi binanggit na
siya’s binubuo ng tatlong persona. Hindi sinabi na ang Anak, at ang
Espiritu Santo ay Diyos din. Subalit hindi nakapagtataka na may mga tao
na magturo na mayroon pang ibang Diyos maliban sa AMA. May sinasasabi
ang Biblia na ganito sa kasunod na talata:
1 Corinto 8:7 “Gayon ma'y wala sa lahat ng mga tao ang kaalamang iyan”…
Maliwanag na pinatutunayan ng Biblia na may mga tao na hindi nakaabot
sa pagkaalam ng katotohanan tungkol sa nagiisa at tunay na Diyos – ang
tunay na kaalamang ito ay wala sa lahat ng mga tao, sa madaling salita,
hindi lahat ng tao ay nakakaalam ng katotohanang ito. Bilang katibayan,
ating nasasaksihan na may mga relihiyon ngayon na nagtuturo ng doktrina
o aral tungkol sa Diyos na kumokontra o lumalabag sa itinuturo ng
Biblia.
Ang tunay na Diyos ay hindi namamatay o nagbabago
Ano ang paniniwala ng mga Katoliko at mga Protestante tungkol sa Diyos?
Sa isang aklat na may pamagat na “The Faith of Our Fathers”, isinulat
ng isang Cardinal ng Iglesia Katolika, ganito ang ating mababasa:
"In this one God there are three distinct Persons - the Father, the
Son, and the Holy Ghost, who are perfectly equal to each other." [The
Faith of our Fathers, by James Cardinal Gibbons, Page 1]
Salin sa Filipino:
“Sa isang Diyos na ito ay may tatlong magkakaibang Persona – ang Ama,
ang Anak, at ang Espiritu Santo, na perpektong magkakapantay sa
isa’t-isa.”
Ang mga Katoliko at mga Protestante ay kapuwa
naniniwala na mayroong isang Diyos na may tatlong magkakaibang persona.
Para sa kanila, ang Diyos ay binubuo ng Ama, Anak, at Espiritu Santo.
Ano ba ang nangyari sa Diyos batay sa paninwalang Katoliko? Sa isang
aklat na may pamagat na “The Story of the Church”, ganito naman ang
sabi:
"... God had become Man to save the world and to bring
back to mankind all the blessings that had been lost by Original Sin.
The God-Man had established a Church in which He would remain on earth
until the end of the world to teach men the Truth and to make them
holy." [The Story of the Church, p. 86]
Salin sa Filipino:
“…Ang Diyos ay naging tao upang iligtas ang sanglibutan at upang
maibalik ang sangkatauhan sa lahat ng mga biyayang kanilang sinayang
dahil sa kasalanang original. Ang Diyos-na-Taoay nagtayo ng isang
Iglesia kung saan siya ay mananatili sa daigidig hanggang sa wakas ng
sanglibutan upang magturo sa mga tao ng katotohanan at upang sila’y
mapaging banal.”
Sinasangayunan ba ng Diyos ang aral na siya ay naging tao o sa ibang salita “nagkatawang tao”? Ipinahayag ng Diyos ang ganito:
Oseas 11:9 “Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi
ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi
tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.”
Samakatuwid ang aral na ang Diyos ay naging tao o nagkatawang tao ay labag o kakontra ng itinuro ng Diyos sa Biblia.
Kung ating tatanggapin na katotohanan na ang Diyos ay naging tao at
ito’y si Cristo, lilitaw kung gayon na dahil sa si Cristo ay namatay, ay
may Diyos na namamatay. Ang tunay bang Diyos ay maaaring makaranas ng
kamatayan?
1 Timoteo 1:17 “Ngayon sa Haring walang hanggan,
walang kamatayan, di nakikita, saiisang Dios, ay ang kapurihan at
kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.”
Ayon sa
Biblia, ang tunay na Diyos ay walang kamatayan. Samantalang si Cristo
ay namatay sa krus. Kaya maliwanag na hindi maaaring maging Diyos si
Cristo dahil ang tunay na Diyos ay hindi maaaring makaranas kailanman
man ng kamatayan, dahil hindi siya namamatay.
Ano pang aral ang malalabag ng paniniwalang ang Diyos ay nagkatawang tao o naging tao? Sabi ng Diyos ay ganito:
Malakias 3:6 “Sapagka't ako, ang Panginoon, ay hindi nababago, kaya't
kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob ay hindi nangauubos.”
Maliwanag nating nakikita ngayon na ang paniniwalang ang Diyos ay
nagkatawang-tao o naging tao, ay labag sa mga katotohanang itinuturo ng
Diyos sa Biblia. Sapagkat kailanman ang Diyos ay hindi nababago, hindi
siya magbabagong anyo o kalikasan mula sa pagiging Diyos ay magbabago
siya upang maging tao… Siya’y mananatiling Diyos magpakailanman.
Bakit natin natitiyak na ang doktrina o aral tungkol sa
pagkakatawang-tao ng Diyos ay isang napakalaking kamalian? Basahin pa
natin ito:
Santiago 1:17 “Ang bawa't mabuting kaloob at ang
bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa
Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.”
Dahil sa ang tunay na Diyos ay mananatiling Diyos
magpakailankailanman…Hindi siya nagkatawang tao dahil sa wala siyang
pagbabago ni magkakaroon man siya ng kahit anino man ng pagiiba. Hindi
mangyayari kailanman na ang Diyos ay maging tao, hindi totoo ang
paniniwalang ito.
Ang Aral na ginawa lamang ng tao
Ang
termino o salitang “Trinidad” ay inimbento lamang at hindi mababasa
kailanman sa Biblia. SiAugustus Hopkins Strong isang awtoridad Katoliko
ang nagpapatunay:
"The term 'Trinity' is not found in Scripture
[Bible], ... The invention of the term is ascribed to Tertullian."
[Systematic Theology, by Augustus Hopkins Strong, page. 304]
Salin sa Filipino:
“Ang terminong ‘Trinidad’ ay hindi matatagpuan sa kasulatan (Biblia),
…ang pagkakaimbento ng termino ay ipinapalagay na gawa ni Tertulliano.”
Ang aral tungkol sa Trinidad ay isang katuruan na gawa lamang tao at
ito’y tahasang inamin ng isang Awtoridad Katoliko. Kailanman ay hindi
makikita o mababasa sa Biblia ang terminong ito. Ang mismong prinsipyo
ng aral na ito ay tahasang kumokontra o lumalabag sa aral ng Diyos, ni
Cristo, at ng mga apostol. Ayon sa Biblia hindi tayo dapat magsalig ng
paniniwala sa mga kautusan o aral na inimbento o kinatha lamang ng mga
tao na di sang-ayon sa mga katotohanan ng Diyos na mababasa sa Biblia:
Tito 1:14 “Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan.”
Hindi lamang ang terminong “Trinidad” ang wala sa Biblia, patutunayan sa atin iyan ng isangCatholic Bible Scholar:
"Though the exact terms in which the [Catholic] Church has formally
defined the dogma of the Blessed Trinity ... are not in the Bible, and
may, therefore, in a sense be called unscriptural. . ." [The Divine
Trinity: A Dogmatic Treatise, by Rt. Rev. Msgr. Joseph Pohle, p. 22]
Salin sa Filipino:
“Bagamat ang eksaktong mga termino, kung saan pormal na ipinaliwanag sa
atin ng Iglesia [Katolika] ang dogma tungkol sa Banal na Trinidad…ang
mga ito ay wala sa Biblia, at maaari, kung gayon, na ito’y tawagin na
hindi maka-kasulatan…”
Ang mga tagapagtaguyod ng paniniwalang
ito mismo ang umaamin at nagpapatunay na ang “dogma” [o nilikhang aral
ng Iglesia Katolika] na ang Diyos ay may tatlong persona ay wala sa
Biblia o hindi maka-kasulatan.
Kailan lamang ba pinasimulang ituro ang tungkol sa aral na ito?
"It is a simple fact and an undeniable historical fact that several
major doctrines that now seem central to the Christian Faith – such as
the doctrine of the Trinity and the doctrine of the nature of Christ –
were not present in a full and self-defined generally accepted form
until the fourth and fifth centuries. If they are essential today – as
all of the orthodox creeds and confessions assert – it must be because
they are true. If they are true, then they must always have been true;
they cannot have become true in the fourth and fifth century. But if
they are both true and essential, how can it be that the early
[Catholic] church took centuries to formulate them?" [The Doctrine of
the Trinity Christianity’s Self-Inflicted Wound 1994 Anthony F. Buzzard
Charles F. Hunting]
Salin sa Filipino:
“Ito ay isang
simpleng katotohanan at hindi maitatangging katotohanang pangkasaysayan
na ilan sa mga pangunahing doktrina na ngayon ay maituturing na mahalaga
sa pananampalatayang Cristiano – gaya ng doktrina tungkol sa Trinidad
at ang doktrina sa kalagayan ni Cristo – ay hindi umiral bilang isang
ganap at mayroon nang maliwanag at katanggap-tanggap na anyo para sa
lahat hanggang sa ika-apat at ika-limang siglo. Kung ang mga ito man ay
mahalaga ngayon – gaya ng pinatutunayan ng mga Kredong ortodoksiya at
mga kumpisal- ay marahil sapagkat ang mga ito ay totoo. Kung ang mga
ito ay totoo, samakatuwid ito ay isang namamalaging katotohanan; at
hindi naging totoo lamang noong ika-apat at ika-limang siglo. Ngunit
kung ang mga ito ay kapuwa totoo at mahalaga, Bakit ang Iglesia
[Katolika] noon ay gumugol ng napakaraming siglo para mabuo ang mga
ito?”
Maliwanag na inaamin ng mga manunulat ng kasaysayan na
ang aral na ito ay nabuo lamang noong ika-apat at ika-limang siglo, kaya
malinaw na malinaw ang dahilan kung bakit hindi ito mababasa kailanman
sa Biblia. Dahil matagal nang tapos ang Biblia noong Unang Siglo pa
lamang, matagal nang patay ang mga Apostol, at matagal nang nasa langit
ang Panginoong Jesus. Kaya walang kinalaman kailanman si Cristo, ang mga
Apostol, at ang Biblia sa pagkakaroon ng aral tungkol sa Diyos na
mayroong tatlong persona.
Ang paniniwala na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan
Napakalaking kasawian ang naghihintay sa kanila na tumanggap at patuloy
na naniniwala sa mga doktrina o aral na gawa lamang ng tao at hindi
nakabatay o mababasa sa Bibia. Basahin natin ang babala ng kasulatan:
Galacia 5:19-21 “At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang
mga ito: pakikiapid, karumihan, kahalayan, Pagsamba sa diosdiosan,
pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga
pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang
pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at
ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking
ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una
sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi
magsisipagmana ng kaharian ng Dios.”
Kasama sa hindi magmamana
ng kaharian ng Diyos ang mga taong nahirati sa mali o “hidwang
pananampalataya, mga aral at paniniwalang hindi nakabatay sa mga
katotohanang nakasulat sa Biblia, kundi inimbento lamang ng mga tao –
gaya ng Trinidad. Ang ganitong paniniwala ay ikapapahamak.
Aling paniniwala naman ang dapat taglayin ng tao upang magtamo ng buhay na walang hanggan? Ating balikan ang pahayag ni Cristo:
Juan 17:1-3 “Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa
pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating
na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin
ng Anak: Gaya ng ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng
laman, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng
ibinigay mo sa kaniya. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay
makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa
makatuwid baga'y si Jesucristo.”
Ang paniniwalang ang AMA
lamang ang nagiisa at tunay na Diyos ang dapat taglayin ng tao upang
siya’y magtamo ng buhay na walang hanggan, sabi nga ni Cristo “ITO ANG
BUHAY NA WALANG HANGGAN” na ito ay ang pagkakilala sa AMA bilang IISANG
DIYOS NA TUNAY…
Kaya sa mga taong nagnanais magtaglay ng buhay
na walang hanggan sa araw ng paghuhukom ay hindi makaiiwas na tanggapin
ang katotohanang ito…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento